MGA MAKABULUHANG GAWAING PANGKLASE SA PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2026
Welcome to St. Peter the Apostle School!
MGA MAKABULUHANG GAWAING PANGKLASE SA PAGDIRIWANG NG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2026
Sa pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya, kasabay nito ang patuloy na pagbabago ng mga paraan ng pagkatuto, pakikipagkomunikasyon, at paggalugad ng impormasyon. Dahil sa ganitong kalagayan, naging sentro ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 ang temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon” at binigyang-diin ng makabuluhang ugnayan ng wikang Filipino at makabagong teknolohiya gaya ng artificial intelligence (AI).
Bilang bahagi ng pagdiriwang, naglunsad ng mga gawaing pagganap sa mga klase sa Filipino na idinisenyo kaugnay ng tema ng Buwan ng Wika ngayong taon. Layunin ng mga gawaing ito na malinang hindi lamang ang kasanayan sa paggamit ng wika, bagkus ay maipamalas ng mga Peterians ang kanilang pagkamalikhain, kritikal na pag-iisip, pananaliksik, pakikiisa, at responsableng paggamit ng AI at iba pang mga makabagong usbong na teknolohiya.
Ilan sa mga tampok na gawain mula sa nasabing pagdiriwang ay ang paglikha ng isang nobela ng mga mag-aaral sa Baitang 9, pagsasagawa ng isang kampanya gamit ang mapanghikayat na talumpati sa Baitang 8, pagguhit ng k(AI)bigang robot at pagsulat ng maikling kuwento sa Baitang 3, paggawa ng isang orig(ai)mi robot at pagsulat ng isang liham sa Baitang 5, at marami pang iba gaya ng paglikha ng komiks, video podcast, mga dokumentaryo at iba pa. Ang mga gawaing ito ay nagpapatunay na ang wikang Filipino ay umuunlad kasabay ng panahon at ito ay maaaring magsilbing isang tulay sa pag-unawa, pagsusuri, at pagbabahagi ng yaman ng impormasyon.
Ipinaaalala lamang na ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang taunang paggunita; ito ay isang malaking paalala na ang wikang Filipino ay buhay, umuunlad, at patuloy na humuhubog sa mga mag-aaral upang magkaroon ng malikhaing pag-iisip, pagiging mapanuri sa mga impormasyong ginagamit, at responsableng mga mamamayan sa makabagong panahon.