Kulminasyong Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026
Welcome to St. Peter the Apostle School!
Kulminasyong Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026
“Ang pagdiriwang ng wika ay hindi lamang nakatuon sa pagsasalita ng Filipino bagkus ay pagkilala rin ito sa ating kultura, pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino, at paggamit ng wika bilang tulay tungo sa kaalaman at makabuluhang pakikipag-ugnayan.”
Masaya at naging makabuluhan ang pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa St. Peter the Apostle School noong ika-22 ng Setyembre, 2026. Nakiisa ang mga mag-aaral mula Baitang 1 hanggang Senior High School at itinampok ang iba’t ibang pagtatanghal na nagbibigay-halaga sa mga kultura at tradisyong tatak ng pagiging isang Pinoy.
Sinimulan ang pagdiriwang sa parada ng mga makukulay na Kasuotang Pinoy na sumasalamin sa ating pagka-Pilipino. Sinundan ito ng pagtatampok ng mga pagtatanghal ng mga mag-aaral mula sa Baitang 1-6 ng mga awiting bahagi na ng mayamang kultura ng ating bansa: “Sitsiritsit Alibangbang” ng Baitang 1, “Paruparong Bukid” at “Ang Pipit” ng Baitang 2, “Mamang Sorbetero” ng Baitang 3, “Kinang Pilipinas” ng Baitang 4, “Kanta na, Pilipinas” ng Baitang 5, at “Maglalatik” at “Magtanim ay ‘Di Biro” ng Baitang 6.
Naghandog rin ang 12-STEM ng mga klasikong awiting OPM at binigyang-buhay ang musikang bahagi na ng kasaysayan at kulturang popular sa Pilipinas. Napatunayan ng mga mag-aaral na bukod pa sa kanilang talento sa pag-awit at pagtugtog, nabigyan nila ng pagpapahalaga ang mga awiting nagbubuklod sa iba’t ibang henerasyon ng mga Pilipino.
Sa parehong araw, nagdaos naman ng isang Palarong Pinoy ang mga mag-aaral sa Baitang 7-12 upang buhayin ang saya at sigla sa mga tradisyunal na larong Pilipino. Sa pamamagitan ng iba’t ibang palaro, naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang pakikipagtulungan, disiplina, liksi, estratehiya, pakikiisa, at pagkikipagkapwa sa kanilang mga kapwa-manlalaro.
Sa huli, ang tunay na diwa ng pagdiriwang ay hindi lamang nagtatapos sa isang programa. Patuloy itong nabubuhay sa bawat salitang ating ginagamit, kulturang ating pinahahalagahan, tradisyong ating ipinapasa, at kaalamang ating ibinabahagi sa susunod na salinlahi.