Welcome to St. Peter the Apostle School!
Makulay, masigla, at makabuluhan—ganito maituturing ang pagdiriwang ng St. Peter the Apostle School ng Buwan ng Wikang Pambansa noong Setyembre 5, 2025. Sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” ipinamalas ng buong SPAS community ang pagkakaisa sa pagpapahalaga at pagtataguyod ng wikang pambansa at katutubong wika.
Tampok sa nasabing pagdiriwang ang pagsisimula ng programa sa isang parada ng mga Kasuotang Pilipino mula Baitang 1 hanggang 12, kasama ang mga malikhaing poster-islogan na binuo ng mga mag-aaral sa Baitang 7-12 na nagbigay-diin sa kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagkakaisa ng bansa. Naghandog rin ang mga mag-aaral ng Baitang 1-6 ng kultural na pagtatanghal na kinabibilangan ng mga katutubong sayaw at awitin gaya ng “Leron, Leron, Sinta” sa Baitang 1, “Paruparong Bukid” sa Baitang 2, “Cariñosa” at “Sayaw-Dabaw” sa Baitang 3, “Itik-Itik” sa Baitang 4, “Ragragsakan” sa Baitang 5, at “Subli” naman sa Baitang 6. Nagkaroon rin ng pagtatampok ng iba’t ibang Larong Pinoy gaya ng patintero, piko, arnis, at iba pa ang mga mag-aaral sa Senior High School.
Sa hapon naman, napuno ng kasiyahan ang mga mag-aaral sa Baitang 7-12 sa kanilang pakikiisa sa naganap na Palarong Pinoy. Dito muling nabuhay ang sigla ng tradisyunal na laro na nagpatibay hindi lamang ng pisikal na kasiglahan kundi ng samahan at pagkakaibigan ng mga kabataan.
Ang dalawang gawain ay dinaluhan ng mga magulang upang suportahan ang mga mag-aaral sa kanilang pagganap at pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ang kanilang presensya ay nagpapatunay na ang wika at kultura ay higit na napagtitibay kapag pinapanday ng pamilya at paaralan.
Sa kabuuan, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa St. Peter the Apostle School ay nagsilbing paalala na ang wika at kultura ay buhay, makasaysayan, at patuloy na magbubuklod sa bayan. Tunay ngang ang bawat tinig at bawat hakbang tungo sa paglinang ng sariling wika ay hakbang din patungo sa pagkakaisa ng bansa.