Welcome to St. Peter the Apostle School!
Sa ika-18 ng Setyembre, matagumpay na ipinagdiwang ng St. Peter the Apostle School ang Buwan ng Wikang Pambansa na may temang "Wikang Filipino: Wikang May Pusong Mapagpalaya".
Ang mga mag-aaral sa Antas Elementarya, mula Baitang 1-6, ay tunay na nagningning dahil sa kanilang mga talento sa pagtatanghal ng iba't ibang klasiko at katutubong awitin ng Pilipinas. Ipinamalas ng mga mag-aaral sa Baitang 1-4 ang pag-awit at pagsayaw sa saliw ng mga awiting "Itik-Itik", "Ang Pipit", "Piliin Mo Ang Pilipinas", "Pinoy Ako", "Paruparong Bukid", "Alitaptap", "Karera", at "Pantropiko". Gayundin, ipinakita rin ng mga mag-aaral sa Baitang 6 ang kanilang pagmamahal sa wikang Filipino sa pamamagitan ng sabayang pagtula ng "Pamana ng Lahi" at at "Ang Wika Ko", habang ang Baitang 5 naman ang nanguna sa sabayang pagdarasal sa pagsisimula ng programa.
Sa Antas Sekondarya naman na kinabibilangan ng Baitang 7-12, malugod silang nakiisa sa iba't ibang mga palarong Pinoy na bahagi ng programang SPAS Bukluran. Dito nila ipinakita ang kanilang kagitingan at pagkakaisa sa mga laro na nagpapakita ng ating kulturang Pilipino gamit ang wikang Filipino.
Ang dalawang gawain ay dinaluhan ng mga magulang upang suportahan ang mga mag-aaral sa kanilang pagganap at pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Sa kabuuan, ang pagtatagumpay sa nasabing pagdiriwang ay nagpapakita rin ng malaking pagpapahalaga ng buong komunidad ng SPAS sa wikang Filipino bilang tatak ng kanilang pagkakakilanlan at pagkakaisa bilang bahagi ng iisang bansa.